Para lalong lumakas ang turismo sa bansa, iminungkahi ni Senador Lito Lapid na pag-isahin na lamang ang mga bagong at dating tourism slogan ng Department of Tourism (DOT).
Ayon kay Lapid, maganda naman ang intensyon ni Tourism Secretary Maria Esperanza Christina Garcia-Frasco at mga dating kalihim ng DOT na palakasin at i-promote ang mga tourist destination sa bansa.
Naging matagumpay aniya ang tourism marketing slogan ng DOT noon tulad ng ‘Wow Philippines’, ‘It’s More Fun in the Philippines’ ni dating Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat at ngayon ay si Sec. Frasco sa kaniyang ‘Love the Philippines’.
“Pagsama-samahin natin yan para mas lumakas ang turismo dito sa Pilipinas “Wow, It’s more fun! Love, the Philippines!”, suhestiyon ni Lapid.
Ayon sa senador, ang hindi pagkakaunawaan sa totoong kaukulan ng tinawag na “mood video” para sa “LOVE THE PHILIPPINES” campaign na ginawa ng DDB Group Philippines ay hindi dapat makasira sa ilang buwang magandang trabahong ginawa ng DOT sa pangunguna ni Frasco.
Aniya, ang naturang video ay ginawa upang ipakita ang ideya at intensyon ng kampanya at yun nga ang kaniyang ginawa.
“Wala po akong nakitang malisya o layuning manloko ng mga tao lalo na kung titingnan natin ito na para lamang sa mga opisyal ng DOT at iba pang “internal stakeholder” at hindi pa pampubliko,” saad ni Lapid.
Kinatigan naman ni Lapid ang aksyon ni Frasco na putulin ang kontrata sa ad agency na gumawa ng nasabing promotional video. Dagdag pa niya, tama rin po ang ginawa ng DDB Group na akuin agad ang responsibilidad sa pagsasapubliko ng video na para lamang sa mga “internal stakeholder.”
“Subalit lahat ng nakapanood sa paglulunsad na ito ay nakita na tama ang direksyon na pinatutunguhan. Umaandar na po pasulong sina Sec. Frasco at ang DOT. Bigyan po natin silang pagkakataon at magpatuloy sa kanilang trabaho,” saad ni Lapid.
“Buo po ang tiwala at kumpiyansa ko kay Sec. Frasco at sa DOT at inaanyayahan ko po ang ating mga kababayan na magpakita rin ng suporta sa kanila. Kung magtagumpay po ang DOT sa kanilang trabaho, buong bansa po natin ang panalo,” dagdag pa ng senador. (Dindo Matining)
See Related Story:
‘Love the Philippines’ slogan, hindi meant to be, huwag ipilit – Nancy Binay
The post Lapid: Tourism slogan gawing ‘Wow, It’s more fun! Love, the Philippines!’ first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento