Ganap ng batas ang Maharlika Investment Fund matapos itong lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang seremonya sa MalacaƱang nitong Martes ng umaga.

Ang Maharlika Investment Fund ang kauna-unahang sovereign wealth fund ng Pilipinas na layuning mapalaki ang pondo ng bansa upang suportahan ang mga programang pang-ekonomiya.

Sa talumpati ng Pangulo, sinabi nitong handa na ang Pilipinas para sa kaunlaran, katatagan at pagpapalakas ng bansa sa pamamagitan ng economic transformation at makabangon sa naging matinding epekto ng pandemya.

Maituturing na makasaysayan aniya ang araw na ito dahil nalagdaan na bilang batas ang Maharlika Investment Fund Act.

“We mark today a momentous occassion in the history of our nation as I signed into law the Maharlika Investment Fund Act. The MIF is a post step towards our country’s meaningful economic transformation just as we are recovering from the adverse effect of the pandemic, we are now ready to enter a new wave of sustainable progress, robust stability and broad based empowerment,” saad ng Pangulo.

Ipinagmalaki ng Pangulo na sa kauna-unahang pagkakataon ay mayroon ng sovereign wealth fund ang Pilipinas na dinisenyo para sa pagsulong ng ekonomiya.

Siniguro ng Pangulo na ang pondo ng MIF ay pangangasiwaan ng isang taong may kakayahan, may magandang track record at integridad upang masigurong mapangalagaan ang pondo para sa tamang layunin.

Mananatili aniyang matatag ang gobyerno sa pangakong transparency, accountability at maayos na pangangasiwa para sa layunin ng adhikaing ito.

“I assure you that the fund will be managed by a highly competent personnel with a good track record and outstanding integrity,” dagdag ng Pangulo.

Matapos malagdaan ang Maharlika Investment Fund ay isusunod ang pagbuo ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na siyang mangangasiwa sa pondo.

Inaasahan ang paunang pondo ng MIC na P75 billion paid-up capital ngayong taon, P50 billion dito ay mula sa Land Bank of the Philippines at P25 billion mula sa Development Bank of the Philippines.

Ang pondo ay target na ipuhunan sa foreign currencies, fixed-income instruments, domestic at foreign corporate bonds,joint ventures, mergers and acquisitions, real estates at malalaking infrastructure projects na makakatulong sa pag-unlad ng bansa. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Villafuerte: Maharlika fund magpapabilis ng pag-unlad ng ‘Pinas

The post Maharlika Investment Fund Act pirmado na ni PBBM first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT