Aatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga lineman sa ibang mga lalawigan para tumulong na maibalik agad ang supply ng kuryente sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Egay.

Sa kanyang pagbisita sa Abra nitong Sabado, sinabi ng Pangulo na gaya ng ginawa noong bagyong Odette, kukuha sila ng mga tutulong mula sa ibang mga lugar para mabilis na makumpuni ang mga nasirang linya ng kuryente.

“Noong bagyong Odette marami kaming kinuha na galing sa ibang probinsya para makatulong at iyon ang gagawin natin,” anang Pangulo.

Kapag marami aniya ang magtulong-tulong sa pagkumpuni ng mga nasirang linya ay mapapabilis ang proseso para maibalik ang supply ng kuryente.

Sa ginawang pagbisita ng Presidente ay nakita nitong maraming posteng kuryente na bumagsak dahil sa hagupit ng bagyong Egay.

“Ang nangyari dito sa probinsya ng Abra ay bumagsak ang mga poste. Kaya’t kailangan natin neither itayo ulit yan o maglagay tayo ng bago,” dagdag ng Pangulo.

Kuntento naman ang Presidente sa naging pagtugon ng local government unit sa kalamidad sa tulong na rin ng national government.

Tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. na mapapabilis ang pagpapanumbalik sa mga serbisyong pag-gobyerno sa Abra dahil sa magandang ugnayan ng local at national government.

“Sa palagay ko, sa lalong madaling panahon ay maibabalik na natin lahat ang  mga serbisyo na kailangan dito,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

See related stories:

3 pa naitalang patay sa Batangas dahil sa habagat at bagyong Egay

Nasawi dahil sa bagyong ‘Egay’, nadagdagan pa

NDRRMC: ‘EGAY’ DEATH TOLL TUMAAS PA; 6 PATAY SA LANDSLIDE 

The post Mga lineman sa ibang probinsya, tutulong para mabalik kuryente sa Abra first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT