Iimbestigahan ng Senado ang panukalang pagsasanib sa pagitan ng Landbank of the Philippines (Landbank) at Development Bank of the Philippines (DBP) na posibleng maisakatuparan sa kalagitnaan ng 2024.

“Kailangan ng Senado na pag-isipan ang epekto ng pagsasanib ng dalawang bangko at kung ito ay makakabuti sa pag-unlad ng agrikultura, imprastraktura, at mga micro-small-and-medium enterprises. Dapat matiyak natin na ang panukala ay sasang-ayon sa mga target ng pamahalaan,” ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, kasunod ng paghain niya ng Senate Resolution No. 697.

“Mahalaga ring tingnan ng Senado ang mga potential risk sa katatagan ng industriya ng pagbabangko at ng buong ekonomiya, dahil ang merger ng Landbank at DBP na siyang magiging pinakamalaking bangko sa bansa ay posibleng magdulot ng financial market stress at economic shocks,” diin niya.

Una nang inirekomenda ni Finance Secretary Benjamin Diokno noong Marso ng taong ito ang pagsasanib sa pagitan ng Landbank at DBP upang lumikha ng mas malaki at mas matatag na bangko na layong magpaunlad ng bansa.

Ayon sa datos noong Disyembre 31, 2022, ang naturang merger na sinasabing pinakamalaking banking institution sa bansa ay may tinatayang laki ng asset na humigit-kumulang P4.18 trilyon.

Dahil dito ay nakikitang maaalis ang redundancies at inefficiency sa mga operasyon na magreresulta sa tinatayang savings na P5.3 bilyon taon-taon.

Sabi ni Gatchalian, pinatunayan ng isang ulat ng Government Commission for GOCCs (GCG) na isinumite sa Office of the President na ang panukalang pagsasanib ng dalawang bangko ay hindi na nangangailangan ng bagong batas.

Aniya, dapat tiyakin ng gobyerno na ang mga operasyon ng GOCCs ay makatwiran at nababantayan upang ang mga asset at resources ng gobyerno ay nagagamit nang mahusay. (Dindo Matining)

See Related Story Here:

Merger ng Landbank, DBP dapat idaan sa Kongreso – Lagman

The post Pagsanib ng Landbank, DBP babalatan ng Senado first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT