Kumikilos na ang mga ahensya ng pamahalaan para tulungan at alalayan ang mga napinsala ng bagyong ‘Egay’.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang twitter post nitong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa Pangulo, nakahanda na ang mahigit P173 million stand by funds pati na rin ang non-food items na iaabot sa mga nasalanta ng bagyong ‘Egay’ partikular na sa Northern Luzon.

“Tuloy-tuloy ang ating pagkilos upang maksiyonan ang maaaring pinsalang dulot ng super typhoon Egay,” saad ng Pangulo.

Bukod sa standby funds ay naka-deploy na rin aniya ang teams mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard para sa search, rescue at retrieval operations mula sa pinsalang iniwan ng bagyo.

Batay sa repot ng mga ahensya ng gobyerno sa Malacañang, malawak ang iniwang pinsala ng bagyo partikular na ang mga pagbaha, pagkasira ng mga pananim at iba pa.

Inireport na rin sa Palasyo na naibalik na ang supply ng kuryente sa 93.53% ng mga apektadong bayan.

Tiniyak ng Pangulo na maayos ang kalagayan ng 38,991 na mga pamilyang naapektuhan sa Regions 1,2,3, Calabarzon, Mimaropa, regions 6, 7 at 12.

Bagama’t nasa Malaysia si Pangulong Marcos Jr. para sa kaniyang tatlong araw na state visit, tuloy pa rin ang pagtanggap nito ng report at mga impormasyon hinggil sa epekto ng bagyong ‘Egay’ sa bansa. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Malacañang nakabantay sa bagyong Egay kahit wala si PBBM

The post PBBM: Tulong, ayuda sa mga sinalanta ni ‘Egay’ nakahanda na first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT