Pinag-iingat ng MalacaƱang ang publiko laban sa mga grupo at indibidwal na nag-aalok ng posisyon sa gobyerno kapalit ng malaking halaga.

Ito ay matapos maaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang suspect na si John Laurence Rin alyas Jhing Guiang na nambiktima ng ilang negosyante at maging ng isang lokal na opisyal sa Cavite na inalok ng pwesto sa gobyerno kapalit ng malaking halaga ng salapi.

Nagpanggap ang suspect na pamangkin umano ni Executive Secretary Lucas Bersamin at pimangakuang mabibigyan ng pwesto sa gobyerno ang mga biktima.

Sa inilabas na pahayag ni ES Bersamin, binalaan nito ang publiko na huwag basta maniwala sa mga nag-aalok ng posisyon sa gobyerno kapalit ng malaking halaga gamit ang kaniyang pangalan.

May mga ganitong insidente na aniya noon na ang layon ay sirain ang administrasyon kaya huwag basta basta kakagat sa panloloko ng mga scammer.

“We enjoin the public to be circumspect and to be wary of unscrupulous people who are attempting to sell government positions,” saad ni Bersamin.

Tinitiyak ng kalihim na hindi titigil ang gobyerno sa paghabol sa mga sindikato at indibidwal na gumagawa ng mga kalokohan gamit ang pangalan ng mga opisyal ng gobyerno.

“We assure that the Office of the Executive Secretary shall continue to uphold the good name and image of the Marcos administration by relentlessly running after the perpetrators of similar acts,” dagdag ni Bersamin.

Pinuri ng kalihim ang NBI sa pag-aresto sa suspect na si Rin at ipinauubaya na sa mga awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban dito.

Lumabas sa imbestigasyon ng NBI na umabot sa mahigit apat na milyong piso ang nahuthot ng suspect sa mga naging biktima nito na pinangakuan ng posisyon sa Subic Bay Metropolitan Authority at Department of Trade and Industry. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Gobyerno lugi sa kinopyang tourism campaign video – Angara

The post Publiko pinag-iingat laban sa mga sindikatong nagbebenta ng posisyon sa gobyerno first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT