Makatutulong umano ang pagsasabatas ng panukala na bubura sa utang ng mga agrarian reform beneficiary (ARB) upang dumami ang produksyon ng pagkain sa bansa.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na isa sa mga saksi sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New Agrarian Emancipation Act na ginanap sa Malacañang ngayong Biyernes.

“The groundbreaking legislation is a testament to President Marcos’ unwavering commitment to the welfare of our farmers and the promotion of agricultural development,” sabi ni Romualdez.

Sa ilalim ng bagong batas, babayaran ng gobyerno ang P57.56 bilyong utang ng 610,054 ARB na nagsasaka ng 1.173 milyong hektarya ng lupa. Bukod sa principal na utang, kasama sa babayaran ng gobyerno ang interes at surcharge nito.

“By condoning these substantial debts, the Act aims to alleviate the burden on our ARBs, providing them with a fresh start and a renewed opportunity to enhance their productivity, improve their livelihood, and uplift the quality of their lives,” dagdag pa ni Romualdez.

Ang lupa na ibinahagi sa mga ARB ay kailangan nilang bayaran ng hanggang 30 taon. Mayroon itong 6% interes kada taon alinsunod sa CARP law.

Pinipigilan din ng bagong batas ang pagpapatupad ng mga utos ng korte na bumabawi sa mga lupang hindi nabayaran ng ARB.

Ang gobyerno na rin ang magbabayad ng P206.247 milyong utang ng 10,201 ARB sa mga may-ari ng 11,531.24 hektarya ng lupa na ipinamahagi sa ilalim ng Voluntary Land Transfer o Direct Payment Scheme.

“When our farmers are freed from the burden of debt, they would be able to invest more in their land and improve their productivity. This can lead to better yields and profits, which can help improve the lives of our farmers and their families,” dagdag pa ni Romualdez.

Ang mga ARB na nagawang bayaran ang kanilang utang ay gagawing prayoridad sa mga credit facility at support facility ng gobyerno. Ang lupa ng mga ARB ay bibigyan din ng exemption sa pagbabayad ng estate tax.

Sinabi ni Romualdez na kasama sa bagong batas ang pagbibigay ng support service sa mga ARB upang matulungan ang mga ito na maging produktibo ang kanilang lupa.

Ang mga ARB ay otomatikong maisasama sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBA) ng Department of Agriculture (DA), na pinagbabatayan ng mga bibigyan ng tulong ng gobyerno, ayon kay Romualdez.

“This law is in line with the principles of social justice and economic empowerment, which have always been at the forefront of Pres. Marcos’ vision for our country,” sabi pa ni Romualdez.

Ang New Agrarian Emancipation Act ay isa sa panukala na prayoridad na maisabatas ng administrasyong Marcos. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Batas na magpapalaya sa pagkakautang ng mga magsasaka, pinirmahan na ni PBBM

The post Romualdez: Pagbura sa utang ng magsasaka makatutulong sa pagpaparami ng pagkain sa bansa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT