Ipinagkibit-balikat lamang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) na ituloy ang preliminary investigation sa drug war ng Duterte administration.
Sinabi ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na naninindigan ang dating Pangulo na tanging korte lamang sa Pilipinas ang maaaring maglitis ng anumang uri ng krimen na nangyari sa bansa.
Binigyang-diin ni Roque na ang Pilipinas ay isang indipendiyenteng bansa at walang sino mang maaaring manghimasok sa panloob na usapin nito.
“FPRRD has always maintained that as an independent and sovereign state, only Philippine courts can try any crime committed in Philippine territory,” saad ni Roque.
Binigyang-diin ng dating tagapagsalita ni Duterte na haharap si FPRRD sa mga nag-aakusa sa kaniya anumang oras sa ano mang korte sa Pilipinas .
Dapat aniya ay Pilipino rin ang judge o hukom na lilitis sa kaniya at hindi mga dayuhan mula sa ICC.
“He has time and again said that because of this, he will face all his accusers anytime but before Philippine courts and before Filipino Judges only,” dagdag ni Roque.
Matatandaang nitong Martes ay ibinasura ng ICC ang apela ng Office of the Solicitor General na huwag ituloy ang pre-trial investigation laban sa mga inaakusahan sa war on drugs sa Pilipinas.
Kabilang sa mga inireklamo sa ICC ay si dating Pangulong Duterte, dating PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa at ilan pang opisyal ng pulisya.
Naunang inhayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang legal na karapatan ang ICC para mag-imbestiga sa Pilipinas dahil hindi na miyembro ang bansa sa Rome Statute. (Aileen Taliping)
See Related Story Here:
Bato sa ICC: Hindi ako magtatago pero hanapin n’yo ako!
The post Roque: Duterte dedma sa desisyon ng ICC na ituloy ang imbestigasyon sa drug war first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento