Inaasahang bibisita sa Pilipinas bago matapos ang taon o sa mga unang buwan ng 2024 si South Korean President Yoon Suk Yeol.

Ito ang inihayag ni South Korean Ambassador to the Philippines Lee San-Hwa kay Pangulong Ferdinand Marcos jr. nitong Lunes matapos ang kanyang presentasyon ng credentials sa Malacanang.

Ang planong pagbisita aniya ay kasabay ng ika-75 anibersaryo ng relasyon ng Pilipinas at South Korea.

“He really, really looks forward to visiting this very country, the Philippines. But if not this year, I’m sure sometime in the first half of next year as we mark our 75th anniversary,” ani Ambassador Lee.

Ikinalugod naman ito ng Pangulo at inihayag na hihintayin niya ang pagkikita nila ng South Korean President.

Pero sinabi ng Pangulo na posibleng magkita rin sila ni President Yoon sa Nobyembre sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Estados Unidos at magkaroon ng bilateral meeting .

“Of course, there are many other conferences and I hope that maybe in November when we go to the United States for the APEC because I’m sure your President will attend, maybe we’ll have a chance to at least meet and have a bilateral meeting,” anang Pangulo.

Bukod kay president Yoon ay nakatakdang bumisita rin sa Pilipinas ngayong taon sina South Korean National Assembly Speaker Kin Jin-Pyo at South Korean Foreign Minister upang makipagkita sa kanilang counterparts sa bansa para sa mas pagpapaigting sa relasyon ng dalawang bansa.

Umaasa si Pangulong Marcos jr. na mas titibay pa ang relasyon ng Pilipinas at South Korea sa mga gagawing post pandemic partnerships para sa pagbabago at pagpapalago sa ekonomiya ng dalawang bansa. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

PBBM magiging abala sa ASEAN, APEC Summit

The post South Korean President bibisita sa Pilipinas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT