Humiling ang Malacañang ng P1.6 bilyon sa 2024 national budget para mapabilis ang pag-isyu ng National Identification Cards subalit kukuwestiyunin ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero kung ano ang kanilang solusyon para malagpasan ang backlog nito.
Ang panukalang pondo ay nakalagak sa panukalang P8.8 bilyong pondo ng Philippine Statistical Authority (PSA) para sa 2024.
Ayon kay Escudero, bagama’t nasa PSA ang pondo, ang problema aniya sa mabagal na pag-imprenta ng opisyal na printer, walang iba kundi ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
“For an agency which prints money and runs the mint, this delay to the people, more so that they are compelled to register and apply for it, is unacceptable,” sabi ni Escudero.
Sa 77.325 milyon narehistro noong Hulyo 7, 2023, 41.358 milyon plastic cards pa lang ang naimprenta at sa naturang bilang, 34.719 milyon pa lang dito ang natanggap ng mga aplikante.
“Yung 38.608 million printed lang sa papel. Habang 1.2 million ang dinownload na lang nila at sila na ang nag-print,” saad ni Escudero.
“In this age of A.I., the promised cards are being printed D-I-Y. Ang daming pangako nung binabalangkas ang batas, at nang humihingi ng pondo,” dagdag niya.
Dahil sobrang atrasado na, sinabi ni Escudero na nawawalan na ng gana ang mga tao na magparehistro pa.
“Kaya naman halos 33 million pa ang hindi nagparehistro. ‘Yung targeted clientele mo mawawalan talaga ng gana,” punto ng senador.
Kaya naman, tatanungin niya ang PSA at BSP sa budget hearing sa Senado kung ano ang kanilang hakbang para maabot ang target nilang maipamahagi ang naantalang national ID at maiwasan na ang backlog nito.
“Sa ngayon kasi, kung ang National Expenditure Program ang babasahin, vague ang performance outcome so I would like them to present a clearer target,” saad ni Escudero. (Dindo Matining)
See Related Story Here:
Escudero: Kasuhan mga opisyal, indibidwal sa Manila Bay reclamation projects
The post Chiz: BSP sisihin sa mabagal na pag-imprenta ng nat’l ID first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento