Bumoto ang mga miyembro ng House Committee on Appropriations na agad na tapusin ang deliberasyon ng panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) kahit wala pang nakakapagtanong.

Nagsimula ang deliberasyon ng sa panukalang P2.385 bilyong budget ng OVP alas-9:29 ng umaga nitong Miyerkoles.

Pinayagang magbigay ng kaniyang opening speech si Vice President Sara Duterte alas-9:35 ng umaga na sinundan ng isang audio–visual na nagpapakita ng accomplishment at panukalang budget ng ahensya.

Ang OVP ay humihingi ng P2.385 bilyon para sa susunod na taon, bahagyang mas mataas sa P2.356 bilyong pondo nito ngayong taon.

Matapos ang presentasyon, tinawag ni Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora, ang lead sponsor ng OVP budget, si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

“In line with the long standing tradition of giving the Office of the Vice President parliamentary courtesy, I move to terminate na budget of the Office of the Vice President,” sabi ni Marcos.

Mayroong mga tumutol kaya nagpatawag ng botohan si Zamora.

Pumabor ang 21 miyembro ng komite sa mosyon ni Marcos at tinerminate ang deliberasyon alas-9:49 ng umaga.

Hiniling ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro na maipaliwanag ang kaniyang boto subalit sinabihan ito ni Zamora na isumite na lamang ito sa komite.

“Meron po tayong isyu na dapat na pakinggan ng taumbayan at masagot ng OVP. So Madam Chair, kailangang maipaliwanag itong P125 million at sinabi naman sa statement ni Vice President na mag-i-explain,” sabi ni Castro kahit na terminated na ang pagdinig.

Ang pinatutungkulan ni Castro ay ang P125 milyong confidential fund na ginastos umano ng OVP sa huling 19 na araw ng 2022. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Sarangani, Davao Occidental niyanig ng magnitude 5.5 na lindol

The post Deliberasyon ng budget ng OVP walang nakapagtanong first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT