Hindi pinalagpas ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta ang pagtutsada ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong laban sa lehislatura at inilitanya ang mga sablay sa pamumuno nito sa summer capital ng bansa.
Sinimulan ni Marcoleta ang kaniyang privilege speech gamit ang Bible quote na “Do not judge and you will not be judged. Do not condemn and you will not be condemned.”
Ayon kay Marcoleta, noong Hulyo 3 ay nagtalumpati si Magalong sa flag raising ceremony sa headquarters ng Philippine National Police sa Quezon City.
Noong una, ang proseso umano ng lokal na pamahalaan ang tinatalakay ni Magalong subalit huminto itong basahin ang kanyang prepared speech at sinabi na magsasalita ito mula sa kaniyang puso at isip.
Binanggit umano ni Marcoleta ang paglobo ng national budget ng 142% noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang kaniyang pangamba kaugnay nito.
Sinabi umano ni Magalong na handa ito at ilan sa kaniyang mga kasamahan na i-donate ang bahagi ng kanilang pensyon upang matugunan ang pangangailangan sa pondo ng bansa at dito umano niya ipinasok ang pasaring sa lehislatura.
“Pero nakakalungkot, nothing have we heard from our legislators that they are willing to give up their pork barrels. Nakakalungkot na mayroon na nga silang tinatawag na porsyento sa bawat project, hindi pa nagsawa. May porsyento na nga sila, sila pa ang contractor, sila pa rin ang supplier,” sabi ni Marcoleta na ang pinatutungkulan ay ang pahayag ni Magalong.
“Hintayin natin kung ano’ng sasabihin ng ating mga magigiting na legislators. Hintayin natin silang magsalita. Hopefully, one of them will come out in the open and tell us, it is about time that legislators should also give a big contribution to address a national government issue, especially on our national debt,” sabi pa umano ni Magalong.
Ayon kay Marcoleta, parang pinalalabas ni Magalong na siya ang “knight in shining armor” na mayroong “silver bullet” upang tugunan ang korapsyon sa bansa.
“I’d like to believe that he is trying to project himself as the Hercules of Greece in mythology who has tried to cleanse the Augean Stables, the modern reference of graft and corruption, Madam Speaker,” sabi pa ni Marcoleta.
Tumugon umano si Marcoleta sa kaniyang programa sa radyo at idinetalye ang 2022 annual audit report ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng 347 priority project ng Baguio City na nagkakahalaga ng P943 milyon subalit hindi naipatupad.
Ayon umano sa COA report, 40 sa mga partially implemented project ang hindi na itinuloy dahil sa slippage.
“What does this mean, Madam Speaker? This means that there is no actual monitoring and supervision of the projects. The COA said, the required detailed engineering activities were never undertaken,” sabi ng mambabatas.
Nakasaad din umano sa COA report na ang pondo na ibinigay ng DPWH para sa pagpapatayo ng multipurpose building at athletic oval bowl sa Burnham Park ay ginamit sa ibang proyekto na malinaw na paglabag sa batas.
“Madam Speaker, the accounts of the special education tax and the real property tax amounting to P456 million could not be ascertained. Why? Because of the unreconciled difference between the reported balance of the City Accounting Office and the reported tax due of the City Treasury Office in the amount of P265 million pesos or a discrepancy of some P191 million,” dagdag pa ng solon.
Ang kabuuang unsettled notice of disallowance umano ng Baguio City government hanggang noong Disyembre 31, 2022 ay umaabot sa P235 milyon.
Kinuwestyon din ni Marcoleta kung bakit sa P405 milyong Local Disaster Reduction Management Fund ang ginamit lamang ng lungsod ay P106 milyon.
Naka-tenga rin umano ang P4.3 bilyong pondo ng Baguio City sa bangko sa halip na gamitin ito upang mapabuti ang kalagayan ng mga residente ng lungsod.
Ayon kay Marcoleta, maliit ang nais ni Magalong na ibigay ang bahagi ng kaniyang pensyon sa gobyerno at mas maganda umano kung ang ibibigay nito ay ang kaniyang confidential fund na umaabot sa P2 milyon kada taon. Dapat din umano nitong hikayatin ang kanyang mga kapwa alkade na ibigay ang kanilang confidential fund sa national government.
“Whatever amount that you will be able to produce, I will ask the leadership of Congress to match that, maybe five times of the amount that you will be able to produce so that we can address the problem of our national budget,” sabi pa ni Marcoleta.
“Pero ‘wag kang magpaparatang. Do not point the accusing finger to the legislature. The legislature is much more greater than the sum total of its parts. Do not generalize,” giit ng kongresista.
Inihalintulad din ni Marcoleta si Magalong sa isang palayok na sinasabihan ang isang kawali na ang itim-itim nito.
Binanggit din ng mambabatas ang mga iligal na pasugalan sa Baguio City na hindi umano ipinapasara ng alkalde at ang pahayag nito na “huwag n’yong pakikialaman ang Baguio.”
“Ayaw mo pa lang pakialaman ang Baguio, ba’t pinakikialaman mo ang legislature?” tanong ni Marcoleta kay Magalong kasabay ang pagpapaalala na bukod sa paggawa ng batas ang Kongreso ay mayroong oversight function.
“Kaya po natin silang ipatawag. Huwag po niyang sasabihin na huwag pakialaman ang Baguio dahil hindi naman sa kaniya ang Baguio,” sabi pa nito.
Matapos ang flag-raising ceremony, tinanong umano ng media si Magalong kung sino-sino ang pinatutungkulan nito pero tumanggi itong magbigay ng pangalan
“How come that he is so appeared like he cares about our country, that he loved the country, that he showed patriotism and heroism? But he cannot face—he is not brave enough to face the consequences of his action,” giit ni Marcoleta.
“Madam Speaker, there was a challenge post by the Bible thousands of years ago: “He who is without sin should cast the first stone. In all due respect and in all candor, Madam Speaker, I do not believe that the Mayor of Baguio City has the moral integrity or the rectitude to cast the first stone. No one is, Madam Speaker,” pagtatapos ng mambabatas. (Billy Begas)
See Related Story Here:
The post Marcoleta binira patutsada ni Magalong, mga sablay ng Baguio pinuna first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento