Handang panagutin ng lokal na pamahalaan ng Marikina City ang drone company na nagpalabas ng baliktad na watawat ng Pilipinas.

Nag-viral sa social media ang drone show matapos na mapansin ng mga netizen na nasa taas ang pulang kulay ng bandila, habang nasa ibaba ang asul.

Ayon sa Facebook post ng Marikina Public Information Office, ang supplier para sa naturang show ay ang Dronetech ph.

Dahil dito’y determinado ang LGU ng lungsod na kasuhan ang naturang supplier dahil sa maling formation ng watawat.

“Mariing kinondena ng Marikina City Government sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro ang pangyayari at pinapakasuhan ang Dronetech ph upang madetermina ang mga legal na pananagutan ng kumpanya kasama na rin ang mga kalakip na kaparusahan at multa,” ayon sa pahayag.

Samantala, naglabas na ng statement ang Dronetech at humingi ng paumanhin sa nangyaring kamalian.

Paliwanag nila, hindi naging matagumpay ang testing nila ng drone dahil sa masamang panahon at signal interference sa area.

The post Marikina LGU kakasuhan bumaliktad ng PH flag sa Palarong Pambansa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT