Inaasahang malaki ang magiging kita ngayon ng mga magsasaka ng palay dahil sa mataas na presyuhan nito sa kasalukuyan.

Batay sa report nitong April 2023, umakyat sa P17.66 per kilo ang presyo ng sariwang palay at P20.38 per kilo para sa tuyong palay, mas mataas kumpara sa dating P15.57 kada kilo sa sariwa at P17.95 kada kilo sa tuyong palay noong Abril ng nakalipas na taon.

Ito ay batay sa datos na nakuha ng Department of Agriculture National Rice Program.

Batay sa pinakamataas na presyo ng palay ay naitala sa Central Luzon sa halagang P22 para sa fresh palay at P25 para sa tuyong palay.

Ayon kay Agriculture Undersecretary Leo Sebastian, nakikinabang na ang mga magsasaka mula sa agam-agam na magkakaroon ng rice shortage sa buong mundo dahil sa epekto ng El Nino phenomenon kaya naghihigpit ng supply ng bigas sa world market.

Sinabi ni Sebastian na sa tinagal-tagal ng panahon na palaging nalulugi ang mga magsasaka sa kanilang palay, ngayon ay nakakabawi na sila dahil sa pinangambahan ng maraming bansa sa epekto ng El Nino.

“Filipino rice farmers are enjoying better prices from their fresh harvest, perhaps sparked by global fears of a shortage resulting from the adverse impact of El nino forcing world suppliers to tighten supply in the world market,” ani Sebastian.

Iba naman ang presyo ng bilihan sa palay ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) kung saan naglalaro sa P22.50 hanggang P24 pesos ang presyo kada kilo ng dry palay sa iba’t ibang lalawigan sa Isabela, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pangasinan, Mindoro, Leyte, Caraga, iloilo at davao.

Ang PRISM ay samahan ng rice millers at palay traders sa bansa. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Farmgate price ng palay binabantayan ng Malacañang

The post Mga magsasaka tiba-tiba sa mataas na presyuhan ng palay – DA first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT