Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukala na palitan ang Building Code na naisabatas noong 1977.
Walang tumutol sa pag-apruba sa panukalang New Philippine Building Act (House Bill 8500) na katanggap ng 266 boto.
Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na layunin ng panukala na maprotektahan ang publiko sa pamamagitan ng paglalatag ng angkop na pamantayan sa pagtatayo ng mga imprastraktura.
“Many developments in building standards and technologies, climate change, and disaster risk reduction and management have since taken place. It’s time that we update our law under the second Marcos administration,” sabi ni Romualdez.
Ang kasalukuyang Building Code (Presidential Decree 1096) ay naisabatas noong Pebrero 19, 1977 sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Binigyan-diin ni 1-Pacman Rep. Mikee Romero, isa sa pangunahing may-akda ng panukala, ang pangangailangan na i-update ang mga kasalukuyang batas upang maging akma ito sa panahon.
“Resilient and functionally sound buildings, from the simplest to the specialized, including farm structures to secure agricultural produce and help ensure food security, must be in place,” sabi ni Romero na naghain ng HB 815, ang unang panukala sa 19th Congress na naglalayong baguhin ang building code.
Ayon kay Romero, dapat ding pasimplehin ang proseso ng pagkuha ng permit.
Layunin ng panukala na matiyak na ang mga imprastrakturang itatayo sa bansa ay matatag laban sa lindol, bagyo, baha, landslide at iba pang hamon ng kalikasan.
Nakapaloob din sa panukala ang mahusay na paggamit ng tubig at enerhiya ng itatayong imprastraktura at angkop ito sa mga taong may kapansanan.
Sa ilalim ng panukala ay itatayo ang Building Regulation and Standards Council (BRSC) na siyang magrerepaso at magrerekomenda ng pamantayan na gagamitin upang maabot ang layunin ng bill. (Billy Begas)
See Related Story Here:
Panukalang P5.768T budget para sa 2024 hihimayin ng Kamara
The post Panukala na palitan 46-anyos na Building Code pasado na sa Kamara first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento