Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsisimula ng Brigada-Eskwela 2023 sa Victorino Mapa High School sa San Miguel, Manila ngayong Lunes ng umaga.

Ininspeksyon ng Pangulo kasama si Vice-President Sara Duterte-Carpio ang ilang mga silid-aralan at nagpintura ang mga ito ng silya na gagamitin ng mga estudyante sa pagsisimula ng pasukan sa susunod na linggo.

Binigyan ni VP Sara ng briefing ang Pangulo sa mga ginagawang paghahanda sa mga pampublikong paaralan, kasama na dito ang maintenance works.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ito na ang unang pasukan na medyo normal matapos ang lockdown dahil sa pandemya.

Pinuri ng Pangulo ang bayanihan at pagtutulungan ng mga magulang at mga guro para masiguro ang magandang karanasan ng mga batang estudyante sa pasukan.

“Nakita na naman natin kung gaano kahalaga na lahat pati magulang, mga teacher, volunteers pagdating sa ating mga anak, mga bata ay talagang buo ang loob natin na tumulong para gumanda naman ang kanilang experience sa eskwela,” saad ng Pangulo.

Sa kaniyang pagbisita sa Victorino Mapa High School ay namigay ang Pangulo ng mga pintura, cleaning materials at donasyong isang milyong piso.

Ang Brigada Eskwela ay naunang inilunsad noong 2003 at ginawa na itong taunang aktibidad sa buong bansa na layuning masiguro ang kahandaan ng mga mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase.

Lahat ng stakeholders ay naglalaan ng panahon para tumulong sa paglilinis, pag-aayos ng mga gamit sa eskwela, nagpipintura ng mga silid aralan para masigurong komportable ang pag-aaral ng mga estudyante. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

PBBM sa mga MNLF, MILF na pumasok sa PNP: Protektahan, pagsilbihan ang mga Pilipino

The post PBBM, VP Sara pinangunahan ang pagbubukas ng Brigada-Eskwela ngayong Lunes first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT