Itinulak sa Kamara de Representantes ang paglikha ng pondo na gagamitin sa pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka upang matiyak na hindi malulugi ang mga ito.

Ayon kay AGRI party-list Rep. Wilbert Lee, hindi malayong tumigil sa pagtatanim ng palay ang mga magsasaka kung binabarat ang pagbili sa kanilang ani.

“Kung hahayaan natin na manatili ang mga problema sa sektor at mas bumigat pa ang pasanin ng mga magsasaka, panghihinaan sila ng loob na magpatuloy sa kanilang kabuhayan at mahihirapan tayong hikayatin ang kabataan na pasukin ang agrikultura,” sabi ni Lee.

Sa panukalang Rice Incentivization, Self-Sufficiency and Enterprise (RISE) Program ni Lee maglalaan ang gobyerno ng pondo pambili ng lokal na bigas sa presyo na hindi malulugi ang mga magsasaka.

Ang bigas ay ibebenta naman umano ng gobyerno sa mas murang halaga sa mga konsumer.

“Mapapagaan na ang pasanin ng mga magsasaka at mamimili, makakatulong pa sa ating food security,” sabi ni Lee. “Kailangan itong paglaanan ng kaukulang budget para matugunan na ang kakulangan sa bigas na napakatagal nang pinoproblema ng ating bansa.”

Ayon kay Lee, noong 2001 ang inangkat na bigas ng bansa ay 808,000 metriko tonelada at pagsabit ng 2021 ay lumobo na ito sa 2.9 milyong metriko tonelada.

Ikinabahala ni Lee ang pagiging dependent ng Pilipinas sa bigas na mula sa ibang bansa. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Mga magsasaka tiba-tiba sa mataas na presyuhan ng palay – DA

The post Pondong pambili ng bigas ng lokal na magsasaka itinulak first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT