Sugatan ang dalawang construction worker nang ang mga ito ay masagasaan ng isang pampasaherong jeep habang gumagawa sa manhole na nasa national highway sa Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City nitong Linggo ng umaga.

Ang mga biktima na tauhan ng subcontractor ng isang internet service provider, ay nasa manhole sa outer lane ng highway, na ng ginagawa para daanan ng mga internet cable, nang salpukin ng jeep na minamaneho ng 65-anyos na si Dante Gliane Tan.

Ayon sa imbestigasyon ng Lucena PNP, inararo muna ng jeep ang mga plastic cone safety barrier na silbing warning sa construction area, bago dumiretso sa dalawang biktima na noon ay nakaupo sa gilid ng manhole.

Kapwa nagtamo ng pinsala ang mga biktima na sina Arwin De Guzman, 38 anyos, at Lorhenz Padillo, 29 , matapos na ang mga ito ay pumailalim sa unahang bahagi ng jeep.

Dumiretso pa ang jeep hanggang sa sumalpok sa nakahintong van na service vehicle ng mga workers.

Sa tulong ng mga bystander, mabilis na nahugot sa ilalim ang dalawa at isinugod ng mga nagrespondeng tauhan ng CDRRMO sa ospital at nilalapatan pa ng lunas.

Kinustodiya ng Lucena police ang driver ng jeep habang patuloy pa ang imbestigasyon.

The post 2 Construction worker, sugatan ng masagasaan ng jeep habang gumagawa sa manhole sa highway sa Lucena City first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT