Isang plano umano ang dapat na ilatag upang matiyak na mababayaran ng Marawi Compensation Board (MCB) ang lahat libo-libong biktima ng Marawi siege.
Ayon kay Basilan Rep. Mujiv Hataman, limang taon lamang ang buhay ng MCB kaya mahalaga na masiguro na mabibigyan ng kompensasyon ang nawalan ng mahal sa buhay at ari-arian ng kubkubin ng Maute group ang siyudad noong Mayo hanggang Oktubre 2017.
“I highly encourage the MCB to formulate a five-year roadmap. Yes, Congress can always extend its life, but it is always good to aim high and achieve all the objectives of the board within the time allotted to it. ‘Yan ang kailangang pag-aralan ng MCB,” sabi ni Hataman.
Naniniwala si Hataman na kung makikita ng Development Budget Coordinating Committee ang plano ng MCB ay mabibigyang katwiran ang paglalaan dito ng mas malaking pondo taon-taon.
“Sana nakalagay doon sa roadmap saan napunta ang first P1B, kung naging effective ba ito o hindi, at bakit? Bakit kailangan bigger allocation? Saan at paano gagamitin?” dagdag pa ni Hataman.
Naglaan ang gobyerno ng P1 bilyon ngayong taon sa Marawi Compensation Fund ang DBCC. Para sa susunod na taon ay P1 bilyon din ang inilaan ng DBCC.
“The DBCC allocated only P1 billion for the Marawi Compensation Program for 2023 and 2024: Does this mean that the Marawi victims will get only P1 billion for every year that the MCB is in operation? Mukhang hindi kasya ang P5 billion sa compensation, baka nga hindi man lang maka-kalahati,” punto ni Hataman.
Sinabi ni Hataman na dapat ding malaman kung saan ibinatay ang ibinigay na P1 bilyon.
Sa isinagawang pagdinig ng joint congressional oversight committee on the Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022 noong Setyembre 11, sinabi ng MCB na mula Hulyo 4 hanggang Agosto 31 ay nakatanggap na ito ng 4,762 claim na nagkakahalaga ng P17.46 bilyon.
Inaasahan ng MCB na aabot sa 23,489 ang bilang ng mga claimant bago matapos ang taon.
“So far, the MCB has a total of over 4,000 claimants. Paano magkakasya ang P1 billion a year? Naghintay na sila ng mahigit anim na taon para lang mabigay ang hinihintay nila, ngayon maghihintay ba sila ulit ng matagal para maisama sa mga mabibigyan? At mahabang hintayan yan kung P1 billion a year lang,” dagdag pa ng solon.
Sinabi naman ng Office of Civil Defense (OCD) na sa mahigit 11,000 nasirang istraktura ay na-validate na nito ang 4,310 na umaabot ang halaga sa P12.17 bilyon.
Ginagawa ang validation upang matiyak na totoo ang nasirang ari-arian. (Billy Begas)
The post Hataman: Ayusin plano para mabayaran lahat ng biktima ng Marawi siege first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento