Hinimok ni House Committee on Appropriations senior Vice chairperson at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na pansamantalang suspendihin ang pangongolekta nito ng kontribusyon hanggang sa panahon na maipakita nito na epektibo nitong nagagamit ang kanilang pondo.

Sa deliberasyon ng budget nitong Miyerkoles, sinabi ni Quimbo na batay sa mga impormasyong ibinigay ng PhilHealth ay kumita ito ng P100 bilyon noong 2022. Ito ay binubuo ng P68 bilyong kontribusyon ng mga miyembro, P22 bilyong mula sa subsidiya ng gobyerno para sa mga piling miyembro at P12.2 bilyon mula sa kita ng mga investment nito.

“Meron pa sigurong other income dito na hindi pa natin na-a-account for but more or less ito na ang paliwanag bakit malaki ang kinikita ng PhilHealth, tama po?” tanong ni Quimbo na nakatanggap ng positibong sagot.

Pagpapatuloy ng lady solon, “Hindi ba natin puwedeng temporarily dahil sa sobrang laki po ng kita ng PhilHealth i-suspend muna natin ang pagkolekta ng premiums mula sa mga workers katulad natin until you show proof that you can effectively spend your money.”

Sinabi ni Quimbo na ang isang entry-level nurse sa ospital ng gobyerno ay kumikita ng P30,000 kada buwan at ang kaniyang kontribusyon sa PhilHealth ay P2,000 kada buwan o P24,000 kada taon.

“Alam nyo po ba kung yung P24,000 na yan ay ipinambayad sa MediCard alam nyo po ba kung gaano ka-bongga ang medical insurance plan ang makukuha ng nurse na yan?” sabi ni Quimbo.

Sa naturang kontribusyon, ang miyembro ng MediCard ay mayroon umanong limang outpatient consultation, libre ang 80% ng outpatient laboratory at diagnostics hanggang 5,000; libre ang 80% ng in-patient approved hospital bills hanggang P30,000; 70% ng professional fee; may kasamang executive check-up, dental coverage; dreaded disease limit na 200,000; accident insurance na P30,000 at libreng diamond peal at yoga class.

“Sa ngayon po malamang hindi nya (nurse) po ito nakukuha sa PhilHealth,” giit ni Quimbo.

“Sa laki ng kinikita ng PhilHealth pwede ba natin pag-isipan, pwede ba munang i-suspend ang pagkolekta ng PhilHealth premiums mula sa aming mga workers. Again until such time that you show proof that you can effectively spend your money,” dagdag pa ni Quimbo.

Sinabi ni PhilHealth president at CEO Emmanuel Ledesma na ang ahensya ay mayroong P336 bilyong reserve fund.

“When the reserve fund, which is currently at P336 (billion) reaches P470 (billion) that’s based on the computation of the actuary then we can either decrease the contribution or increase the benefit packages,” sabi ni Ledesma.

Hindi naman nakumbinsi sa sagot nito si Quimbo.

“You’ve been promising better benefit packages since you created PhilHealth in 1995 at hanggang ngayon wala pa rin po. So pag-isipan nyo mabuti please submit a written answer to that very important question, puwede ba o hindi?” giit pa ni Quimbo. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Sweldo ng PhilHealth execs triple itinaas dahil sa 2021 order ng Palasyo

The post Laki ng kita, liit ng benepisyo: Kontribusyon sa PhilHealth suspendihin muna first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT