Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P12.259 billion para pondohan ang pabahay para sa mga naging biktima ng kalamidad at resettlement ng informal settlers sa Western Visayas.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang nabanggit na pondo ay para sa housing assistance ng mga biktima ng kalamidad at konstruksiyon ng apat na five-story, low rise residential building sa Region VI para sa mga informal settlers.

Sinabi ni Pangandaman na ang pabahay ang isa sa mga prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mabigyan ng disenteng tirahan ang mga Pilipino lalo na yaong mga nakaranas ng kalamidad.

“Housing remains a priority for President Ferdinand Marcos Jr. as he strongly believes in the necessity of providing decent homes for Filipinos, particularly those adversely affected by families,” saad ni Pangandaman.

Ang National Housing Authority (NHA) ang inatasang magpatupad ng pabahay para sa mga low-income families.

Matatandaang inihayag ng Pangulo na malaki ang backlog sa pabahay ng gobyerno kaya hahabulin nila ito hanggang sa matapos ang kaniyang termino.

Target ng Pangulo na makapagpatayo ng isang milyong pabahay kada taon at anim na milyong pabahay hanggang sa matapos ang kaniyang termino. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

DBM nangakong dadagdagan Marawi Compensation Fund para sa 2024

The post P12.259 billion inilabas ng DBM para sa pabahay ng mga biktima ng kalamidad sa Western Visayas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT