Bawal na ang pangongolekta ng mga lokal na pamahalaan ng pass through fees sa mga sasakyang nagbibiyahe ng mga produkto sa mga national road sa buong bansa.

Ito ang nakapaloob sa inilabas na Executive Order No. 41 ng Malacañang na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Sa ilalim ng EO, sinuspinde ng Malacañang ang pangongolekta ng pass through fees upang matiyak ang episyenteng pagbiyahe ng mga produkto sa buong bansa.

Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masiguro ang maayos na galaw ng mga produkto at mabawasan ang pasanin ng mga trader sa kanilang gastusin.

Sa ilalim ng EO, bawal na ang pangongolekta ng LGUs ng toll fees at iba pang koleksyon sa mga sasakyang nagdadala ng mga produkto na dumadaan sa mga kalsadang hindi ipinagawa at pinondohan ng lokal na pamahalaan.

Naniniwala ang Palasyo na ang pass through fees ang isa sa nagpapataas sa mga produktong ibinebenta sa mga palengke dahil ipinapasa sa mga mamimili ang gastos ng mga trader sa pagbiyahe ng kanilang mga kalakal.

Kabilang sa sinuspinde ng Pangulo sa mga sinisingil ng LGUs ay ang sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees o mayor’s permit fees na kinokolekta sa lahat ng motor vehicles.

Inatasan ng Malacañang ang Department of Interior and Local Government (DILG) na kumuha ng kopya ng umiiral na ordinansa ng LGUs patungkol sa pass through fees sa loob ng 30 araw matapos maging epektibo ang EO upang ma-evaluate at masiguro ang pagsunod ng mga ito sa Local Government Code of 1991.

Kapag nabigong sumunod sa utos ng Malacañang, mahaharap sa administrative at disciplinary sanctions ang mga opisyal o empleyadong patuloy pa ring nangongolekta ng bayarin. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Chinese ambassador ‘nakatikim’ kay PBBM 

The post Paniningil ng LGUs ng pass through fees sa national roads  ipinatigil ni PBBM first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT