Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Senado na agad ipasa ang panukalang batas na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa agricultural sabotage.
Sa sulat na ipinadala ng Pangulo sa tanggapan ni Senate President Juan Miguel Zubiri, sinertipikahan nitong urgent ang Senate Bill No. 2432 na naglalayong itaguyod ang pagiging produktibo ng sektor ng agrikultura at protektahan ang mga magsasaka at mangingisda laban sa mga tusong negosyante at importers na nagsasamantala sa mga produktong agrikultura.
Sa ilalim ng panukalang batas ay mas pinabigat ang parusa laban sa smuggling, hoarding, profiteering at kartel ng produktong agrikultura at fishery products.
Habang buhay na pagkabilanggo at multang tatlong beses na halaga ng agri products na ipinuslit o inipit ang magiging parusa sa mga mapapatunayang sangkot sa economic sabotage.
Bukod sa kasong kriminal ay hindi na maaaring magnegosyo ang mga sangkot sa economic sabotage sa importasyon, storage at warehousing lalo na sa mga produktong agrikultura at pangsida.
Para sa mga opisyal o kawani ng gobyerno na kasabwat sa economic sabotage, perpetual disqualification ang parusang haharapin ng mga ito na ibig sabihin ay hindi na makakapasok sa alinmang tanggapan ng gobyerno, hindi na maaaring nakaboto sa eleksyon at pagbawi sa lahat ng benepisyong dapat tanggapin sa gobyerno.
Nakasaad sa panukalang batas na may karapatan ang gobyerno na samsamin ang lahat ng produktong agrikultura at pangisda, pati na ang mga ari-ariang ginamit sa economic sabotage gaya ng sasakyan, barko, eroplano, bodega at iba pa. (Aileen Taliping)
See Related Story Here:
PBBM sinertipikahang ‘urgent’ ang General Appropriations Bill
The post Panukalang batas para sa mas matinding parusa vs. economic sabotage sinertipikahang urgent ni PBBM first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento