Ipaiiral ang price ceiling sa presyo ng bigas sa buong bansa upang maiwasan ang overpricing at pagsasamantala ng mga negosyante.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry (DTI) para magtakda ng price ceiling sa presyo ng bigas bunsod na rin ng nakakaalarmang pagtaas sa presyo nito sa mga palengke.
Pirmado na ng Malacañang ang Executive Order No. 39 nitong August 31 na nagtatakda ng presyong P41.00 kada kilo para sa regular milled rice habang P45.00 kada kilo naman para sa well-milled rice.
Mananatili ang itinakdang presyo maliban na lamang kung aalisin ito ng President at magiging epektibo ang EO sa sandaling mailabas ito sa Official Gazette o sa pahayagan.
“The mandated price ceilings shall remain in full force and effect unless lifted by the President upon the recommendation of the Price Coordinating Council or the DA and the DTI,” saad ng EO.
Ang rekomendasyon ng dalawang ahensya para magtakda ng price ceiling sa presyo ng bigas ay dahil sa pagtaas ng presyo nito sa mga palengke na nagdulot ng pahirap sa budget ng mga Pilipino lalo na sa mga pinakamahirap na sektor.
Batay sa report ng DA, naglalaro sa P42 kada kilo hanggang P55 kada kilo ang presyo ng regular milled rice sa mga palengke habang P48 hanggang P56 kada kilo naman ang well-milled rice.
Inatasan ng Pangulo ang DTI at DA na siguruhing mahigpit na maipatutupad ang price ceiling sa presyo ng bigas at i-monitor at imbestigahan ang abnormal na galaw sa presyo nito sa mga pamilihan.
Kikilos naman ang Department of Interior and Local Government (DILG) para tulungan ang mga retailer na naapektuhan ng price ceiling. (Aileen Taliping)
See Related Story Here:
P519M imported na bigas nabisto sa mga bodega sa Bulacan
The post PBBM nagtakda ng price ceiling ng bigas sa buong bansa first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento