Balik-bansa na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang limang araw na official visit sa Singapore para dumalo sa 10th Asian Conference at pakikipagpulong sa mga negosyante.

Bago umuwi ng Pilipinas ay nanood ang Pangulo ng finals ng F1 Singapore Grand Prix.

Sa kaniyang social media post, sinabi ng Pangulo na nagkaroon sila ng produktibong pag-uusap ni Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong at Deputy Prime Minister Lawrence Wong sa sidelines ng Formula Grand Prix.

Asahan aniya ang mas maigting na kolaborasyon ng Pilipinas at Singapore sa maraming aspeto upang sabay na tugunan ang mga pandaigdigang hamon.

“The discussions with Prime Minister Loong and Deputy PM Wong have been promising. Our countries can expect enhanced collaboration on multiple fronts to address common global challenges,” saad ng Pangulo sa kaniyang Instagram post.

Sa kaniyang limang araw sa Singapore ay maraming mga malalaking negosyante ang nakausap ng Pangulo at nangakong maglalagak ng puhunan sa Pilipinas.

Kabilang dito ang Dyson Limited ng Singapore at ang Malaysian-based retail special na Valiram Group.

Ang Dyson ay nag-commit ng P11 billion na pamumuhunan sa Pilipinas sa susunod na dalawang taon na inaasahang magbibigay ng trabaho sa mga Pilipino. (Aileen Taliping)

The post PBBM nakabalik na sa ‘Pinas mula sa Singapore first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT