Ipinatatanggal ng isang mambabatas ang administrasyon ng hajj sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) matapos muling ma-stranded at mahirapan ang libu-libong Muslim na pumunta sa Saudi Arabia para sa taunang pilgrimage.

Inihain ni House Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang House Bill 9096 upang payagan ang pribadong sektor na mag-ayos ng hajj pilgrimage.

“Ang taunang pilgrimage sa Holy City of Makkah sa Saudi Arabia ay isa sa mga sagradong haligi ng pananampalatayang Islam. Pinag-iipunan yan ng ating mga kababayang Muslim kasi napakapalad nila pag nagawa nila yan nang minsan sa kanilang buhay. But instead of a meaningful experience, they face hardships and difficulties,” sabi ni Hataman.

“Katulad ngayon taon at noong nakaraang taon, napakaraming ulat na naman ng na-stranded na Pilipino Muslim pilgrims dito sa mga paliparan sa Maynila at sa Saudi mismo. Walang matuluyan, walang makain at walang tulong na natatanggap,” dagdag pa ni Hataman.

Layunin ng HB 9096 o ang ‘The NCMF Reform Act of 2023’, na amyendahan ang Republic Act No. 9997 at alisin ang hajj administration sa NCMF.

Sa ilalim ng panukala, ang magiging trabaho ng NCMF ay magrehistro at mag-accredit na lamang ng sheik na siyang magpoproseso at gagawa ng gabay para sa taunang hajj.

Ayon kay Hataman, sa mga bansa kung saan maliit na bahagi lamang ang populasyon ay Muslim ay hinahayaan ang pribadong sektor ang umaasikaso sa hajj pilgrim samantalang sa mga bansa gaya ng Indonesia, Bangladesh at Pakistan ay hati ito sa pribado at pampublikong sektor.

“Sa ating karanasan sa NCMF, mukhang wala talaga itong kakayahan na patakbuhin ng maayos ang taunang hajj administration. Kaya dapat siguro ay tingnan na natin o pag-aralan na ibigay na lamang ito sa pribadong sektor,” sabi ni Hataman.

“Pag nasa private sector na yan, naniniwala akong mas magiging maayos na ang pagganap ng hajj para sa ating mga kababayan. At kung may sakali mang pumalpak at mahirapan muli ang ilan sa ating kababayan, madaling habulin sa korte at pagbayarin ng danyos,” dagdag pa ng mambabatas. (Billy Begas)

The post Pinahihirapan Muslim pilgrims: Hajj administration pinatatanggal sa NCMF first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT