Maaari nang makapagtrabaho sa Australia ang mga Pilipino habang bumibisita gayundin ang mga Australyanong nagbabakasyon sa Pilipinas.
Ito ay matapos lagdaan nina Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Australian Ambassador to the Philippines Kyong Yu ang memorandum of Understanding (MOU) para sa “work and holiday” visa agreement kung saan pinapayagan ang mga turistang Pinoy at Australyano na makapagtrabaho haban nagbabakasyon upang makabawi sa kanilang gastos.
Batay sa MOU, bibigyan ng multiple entry visa ang mga bakasyonista na may bisa ng hindi lalampas sa isang taon o 12 buwan.
Ang work and holiday visa ay bukas para sa mga Pilipino at Australyanong edad 18-31 at nakapagtapos ng kolehiyo o kaya ay nakakumpleto ng dalawang taong undergrduate study o post-secondary education.
Sa ilalim ng MOU, ang visa holders ay papayagan lamang na makapagtrabaho sa buong panahon ng kanilang bakasyon at kailangang makatugon sa mga ipatutupad na mga panuntunan sa aspeto ng kalusugan, karakter at national security requirements at dapat ay mayroong medical insurance sa panahon ng kanilang bakasyon.
Walang itinakdang panahon kung hanggang kailan mananatili ang MOU, maliban na lamang kung ito ay tutuldukan sa pamamagitan ng diplomatic channels.
Ang MOU ay pinirmahan sa ginawang official visit sa Pilipinas ni Australian Prime Minister Anthony Albanese nitong September 8,2023 sa Malacanang. (Aileen Taliping)
The post Work and holiday visa ng ‘Pinas, Australia sinelyuhan first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento