Hindi malulutas ang problema sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at China hangga’t walang seryosong pag-uusap ang dalawang bansa.

Ito ang inihayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng panibagong insidente sa WPS nang bungguin ng mga barko ng China ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard sa kanilang resupply mission sa Ayungin Shoal.

Ayon sa dating Presidente, hindi sagot sa problema ang pagpapakita sa publiko at sa buong mundo ang mga footage ng girian at bungguan ng mga barko sa West Philippine Sea.

“It cannot be solved by just publishing every incident everyday or shout to the world that there is something wrong everytime that there is near-collission or something that is a source of trouble,” saad ni dating Pangulong Duterte.

Matagal na aniyang pinag-aagawan ang mga teritoryo sa West Philippine Sea at madalas ang gitgitan, bungguan o kaya ay near collision dahil naghahanap talaga ng rason para magkaroon ng issue at mapwersa ang dalawang bansa na mag-usap para malutas ang gusot sa mga pinag-aagawang teritoryo.

“Bakit ito nangyayari? Kasi naghahanap lang talaga ito ng rason para magkaroon ng issue. So that it will be brought to light and then maybe force government either the Philippine side with the concurrence of China or with the pressure coming from the United States and the rest of the allies to force a meeting or a talk so that these things can be solved,” dagdag ni Duterte.

Ang kailangan anang dating Presidente ay magkaroon ng seryosong pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at China at makabuo ng code of conduct na magtatakda ng mga parameter sa West Philippine Sea para maiwasan ang mga ganitong insidente.

Kung wala aniya ito ay magkakaroon ng malaking problema na maaring magdulot ng malaking pinsala.

“Alam natin nagbobolahan lang tayo dito eh, China pati ang Pilipinas, pati tayo. Laro ito ng panahon, kung sino lang ang makalamang dito at we are waiting for the big bang,na magkaroon talaga ng isyu, magpatayan ng marami, then it would trigger and it would become a serious problem for everybody,” wika ng dating Pangulo.

Sinabi ng dating Presidente na ayaw niyang pangunahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu sa West Philippine Sea at kahit alam niya ang gagawin, hindi aniya ito mag-aalok para sa solusyon sa isyu.

“I cannot preempt the President what he will do. Ako alam ko kung gawain ko, but since I am not the President and I will not venture to offer any solution there,” dagdag pa ng dating Pangulo. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Maritime Zones bill magpapalakas sa posisyon ng PH sa WPS – Coast Guard

The post Duterte: Isyu sa WPS hindi matatapos hangga’t walang seryosong pag-uusap first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT