Inalis na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ipinatupad na price ceiling sa bigas upang makontrol ang mataas na presyuhan sa mga pamilihan.
Ang pag-alis sa price cap ay inanunsyo ng Pangulo matapos mamudmod ng libreng bigas sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Taguig City nitong Miyerkoles ng umaga.
Pero sinabi ng Pangulo na kahit inalis na ang price cap ay hindi nangangahulugang tapos na ang problema sa bigas kaya may mga ginagawa ang gobyerno para matiyak na mapanatili ang presyo nito sa bansa.
“We are lifting the price cap but besides that we are taking other measures para tulungan ang ating mga farmers in terms of their equipments,their processing, etc.,” saad ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi problema ang supply ng bigas sa bansa dahil tumataas ang supply dahil panahon ng anihan.
Matatandaang nagtakda ang gobyerno ng price ceiling sa bigas noong Setyembre sa pamamagitan ng Executive Order No. 39 upang makontrol ang mataas na presyuhan sa mga pamilihan at ipinako sa P41 at P45 ang regular at well-milled rice.
Sinabi ng Pangulo na inatasan na niya ang liderato ng Kongreso na tutukan ang pagtulong sa National Capital Region dahil dito natukoy ang mataas na presyo ng bigas at inobliga ang 33 kongresista sa Metro Manila na mamahagi ng libreng bigas sa kani-kanilang nasasakupan. (Aileen Taliping)
See Related Story Here:
NEDA nagbigay kay PBBM ng mga alternatibo kapalit ng price cap sa bigas
The post Price cap sa bigas, inalis na ni PBBM first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento