Hindi titigilan ng gobyerno ang paghabol sa mga nasa likod ng smuggling at pang-iipit sa supply ng bigas hanggang sa maubos lahat ang mga ito.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pinalakas na kampanya laban sa mga smuggler at hoarder ng bigas sa bansa.

Sa kanyang social media account sinabi ng Pangulo na sisiguruhin ng gobyerno na mawakasan at matuldukan ang pang-aabuso ng mga hoarder at smuggler upang hindi mahirapan ang taongbayan.

“Hanggang makamtan natin ito, ipagpapatuloy natin ang pagkumpiska ng smuggled na bigas at pagbabahagi nito sa taumbayan,” anang Pangulo.

Ang mga nakumpiskang smuggled na bigas ng Bureau of Customs ang ipinamimigay ng gobyerno sa mga pinakamahihirap na pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sinabi ng Pangulo na sa ganitong paraan ay mawakasan ang pang-aabuso ng mga sindikato at masigurong walang magugutom na mga Pilipino.

Sunod-sunod ang ginawang pagsalakay ng mga awtoridad sa mga warehouse ng bigas sa iba’t ibang lugar sa bansa at kapag walang maipakitang patunay na legal ang pagpasok ng mga ito sa bansa ay kukumpiskahin ng gobyerno at ipapamahagi sa mga mahihirap. (Aileen Taliping)

The post Puslit na bigas ng mga smuggler, hoarder, uubusin ng gobyerno- PBBM first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT