Sinelyuhan ng Pilipinas at Saudi Arabia ang tinatayang US$ 120 million na halaga ng mga kasunduan sa kaniyang pakikipagpulong sa Arab business leaders pagdating nito sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia nitong Huwebes ng hapon.

Sa kaniyang talumpati sa roundtable meeting sa St. Regis Hotel, sinabi ng Pangulo na makikinabang ang 15,000 Pilipino sa mga nilagdaang kasunduan sa mga oportunidad at trabaho lalo na sa construction industry.

Umaasa ang Presidente na ito na ang umpisa ng mas marami pang partnerships sa pagitan ng dalawang bansa.

“With an estimated value of over US$ 120 million that will be signed today are set to benefit 15,000 Filipinos in Training and Employment across a wide range of professions in the construction industry,” saad ng Pangulo.

Magandang pagkakataon aniya ang pulong dahil umaangat ang ekonomiya ng Pilipinas at napanatili ang momentum sa paglago ng kabuhayan ng bansa.

Ipinagmalaki ng Presidente sa Arab business leaders na nakapagtala ang Pilipinas ng 76% gross domestic product nitong nakalipas na taon at ang Pilipinas ang naitalang pinakamabilis na lumago ang kabuhayan nitong 2022.

Sinabi ng Pangulo na ito ang unang pagbisita niya sa Gitnang Silangan simula naging Pangulo ng bansa at nagpapasalamat siya sa kumpiyansa ng Saudi Government sa Pilipinas at sa mahigit isang milyong Overseas Filipino na nagtatrabaho sa kanilang bansa.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos Jr. ang mahalagang kontribusyon ng mga kumpanyang naging bahagi ng pagpapalakas ng kooperasyon. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Marcos dumating na sa Saudi, sabak agad sa meeting ng Arab Business Leaders

The post US$ 120 million business agreements sinelyuhan ng ‘Pinas, Saudi Arabia first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT