Magpapakulong na lamang umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa reklamong grave threat na iniharap laban sa kanya ni ACT party-list representative France Castro.
Tugon ito ng dating Pangulo sa kanyang programang Gikan sa Masa sa SMNI nitong Huwebes ng madaling-araw matapos maisyuhan ng subpoena ng piskalya sa Quezon City.
Hindi direktang sinagot ng dating Pangulo ang tanong kung haharap ba ito sa Quezon City Prosecutors Office at maghain ng kanyang counter affidavit sa December 4 at 11 batay sa nakasaad sa subpoena.
“Magpakulong na lang ako kasi gi-oppressed ako ni France. Kayong mga komunista, how I wish sana all!,” anang dating Pangulo.
Nanindigan si Duterte na mga galamay ng communist party ang ilang progresibong kongresista sa Kongreso at gusto aniyang sirain ang Pilipinas.
Kaya aniya pinag-iinitan ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte-Carpio dahil sa isyu ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) na nais nitong ibalik sa mga eskuwelahan dahil pinapasok ng mga ekstremista at mga komunista.
“They are the left who are members of the communist party of the Philippines. Then they joined the mainstream, mga rebelde yan eh gusto nilang sirain ang Pilipinas,” dagdag ng dating Pangulo.
Nag-ugat ang reklamo laban sa dating Presidente matapos pagbantaang papatayin umano ang nagngangalang ‘France’ sa kanyang programa sa telebisyon noong Setyembre dahil sa isyu ng intelligence fund. (Aileen Taliping)
See Related Story Here:
Castro ikinatuwa paglabas ng subpoena vs Duterte
The post Duterte sa subpoena: ‘Magpakulong na lang ako!’ first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento