Nag-alok ng P100,000 na pabuya ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) para sa makapagbibigay ng impormasyon sa mga responsable sa pagpatay kay Juan Jumalon alyas Johnny Walker ng 94.7 Calamba Gold FM.

Ayon kay Paul Gutierrez, Executive Director ng PTFoMS, ang alok na pabuya ay makakatulong upang mapabilis ang pagtukoy sa mga nasa likod nang pagpatay kay Jumalon at kung ano ang motibo sa pagpatay sa biktima.

Agad nilinaw ni Gutierrez na hindi galing sa gobyerno ang pabuya kundi galing sa isang pribadong indibidwal na tumutulong sa PTFoMS.

“Galing ito sa pribadong indibidwal na matagal ng tumutulong sa pamilya ng mga napapatay na taga-media,” saad ni Gutierrez.

Sa ngayon aniya ay patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagpatay kay Jumalon at pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) para mapabilis ang paglutas ng kaso.

Sinabi ni Gutierrez na hindi hard-hitting ang programa ni Jumalon at wala rin itong mga binabanatang personalidad o mga politiko kaya hindi pa matukoy ang motibo sa pamamaslang sa kaniya. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Computerized sketch ng suspek sa viral pagpatay sa radio broadcaster inilabas ng PNP

The post P100K reward para sa makapagbibigay ng info sa pagpatay sa broadcaster sa Misamis Occidental first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT