Hinirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang fishing magnate na si Francisco Tiu Laurel Jr. bilang kalihim ng Department of Agriculture.

Inanunsyo ng Pangulo nitong Biyernes ng umaga ang appointment ni Laurel sa isang maagang press conference sa Malacañang matapos opisyal na manumpa ito sa Palasyo.

Sinabi ng Pangulo na pinili niya si Laurel para sa posisyon dahil naiintindihan nito ang mga hamon at problemang kinakaharap sa larangan ng agrikultura.

Tiwala si Pangulong Marcos Jr. na naiintindihan ni Laurel ang problema at kung ano ang mga dapat gawin para mabigyan ng kalutasan ang problema sa agrikultura.

“And this is because it is time that we have found somebody who understand very well the problems that agriculture is facing. The reason for the timing is that now we are confident that we have a fair understanding , a good understanding of what it is that needs to be done, what are the problems,” saad ng Pangulo.

Hindi lamang aniya sa industriya sa pangingisda mahusay ang bagong kalihim dahil malawak din ang kaalaman nito sa iba pang panig ng agrikultura kaya nauunawaan niya hindi lamang ang problema kundi pati solusyon.

Bukod dito, sinabi ng Presidente na kilala rin ni Laurel ang mga eksperto at mga professional sa larangan ng agrikultura kaya madaling malapitan at mahingan ng tulong para sa mga problema sa agrikultura.

Malaki aniya ang trabaho at responsibilidad na ibinigay nito kay Laurel, idagdag pa ang problema sa climate change na kailangan ding tugunan pero tiwala siya sa kakayahan nito para palakasin ang agrikultura ng bansa.

“Malaki ang trabahong ibinigay natin sa bagong kalihim at hganda kaming lahat hindi lamang sa pamahalaan kung hindi pati na sa private sector na siya’y tulungan. Malakas ang loob ko na na mai-appoint siya kasi kilala ko ang pagkatao niya. Alam ko na napakasipag nito unang una, pangalawa nauunawaan niyang mabuti ang sistema ng agrikultura dito sa Pilipinas kayat inaasahan nati na he will do a very good job,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang hindi nagtalaga si Pangulong Marcos Jr. ng kalihim sa Department of Agriculture nang maupo ito sa pwesto at sa halip ay siya ang humawak at nangasiwa sa ahensya dahil sa maraming problemang dapat ayusin sa kagawaran. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Mga Pinoy bet mabigat na parusa vs agricultural smuggler, price ceiling sa basic goods

The post PBBM nagtalaga na ng bagong kalihim ng Dept. of Agriculture first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT